<?xml version="1.0" encoding="UTF-8"?><GetPassage xmlns="http://relaxng.org/ns/structure/1.0" xmlns:a="http://relaxng.org/ns/compatibility/annotations/1.0" xmlns:tei="http://www.tei-c.org/ns/1.0">
<request>
<requestName>GetPassage</requestName>
<requestUrn>urn:cts:pbc:bible.parallel.tgl.1905:8</requestUrn>
</request>
<reply>
<urn>urn:cts:pbc:bible.parallel.tgl.1905:8</urn>
<passage>At nangyari nang mga kaarawan nang humatol ang mga hukom , na nagkagutom sa lupain . At isang lalaking taga Bethlehem-juda ay yumaong nakipamayan sa lupain ng Moab , siya , at ang kaniyang asawa , at ang kaniyang dalawang anak na lalake . At ang pangalan ng lalake ay Elimelech , at ang pangalan ng kaniyang asawa ay Noemi , at ang pangalan ng kaniyang dalawang anak ay Mahalon at Chelion , mga Ephrateo na taga Bethlehem-juda . At sila'y naparoon sa lupain ng Moab , at nanirahan doon . At si Elimelech na asawa ni Noemi ay namatay : at siya'y naiwan at ang kaniyang dalawang anak . At sila'y nagsipagasawa sa mga babae sa Moab ; ang pangalan ng isa'y Orpha , at ang pangalan ng isa'y Ruth : at sila'y tumahan doon na may sangpung taon . At namatay kapuwa si Mahalon at si Chelion ; at ang babae ay naiwan ng kaniyang dalawang anak at ng kaniyang asawa . Nang magkagayo'y bumangon siya na kasama ng kaniyang dalawang manugang upang siya'y bumalik mula sa lupain ng Moab : sapagka't kaniyang nabalitaan sa lupain ng Moab kung paanong dinalaw ng Panginoon ang kaniyang bayan sa pagbibigay sa kanila ng tinapay . At siya'y umalis sa dakong kaniyang kinaroroonan , at ang kaniyang dalawang manugang na kasama niya : at sila'y yumaon upang bumalik sa lupain ng Juda . At sinabi ni Noemi sa kaniyang dalawang manugang , Kayo'y yumaon , na bumalik ang bawa't isa sa inyo sa bahay ng kaniyang ina : gawan nawa kayo ng magaling ng Panginoon , na gaya ng inyong ginawa sa mga namatay at sa akin . Ipagkaloob nawa ng Panginoon na kayo'y makasumpong ng kapahingahan , bawa't isa sa inyo sa bahay ng kaniyang asawa . Nang magkagayo'y kaniyang hinagkan sila ; at inilakas nila ang kanilang tinig at nagsiiyak . At sinabi nila sa kaniya , Hindi , kundi kami ay babalik na kasama mo sa iyong bayan . At sinabi ni Noemi , Kayo'y magsibalik , mga anak ko : bakit kayo'y yayaong kasama ko ? may mga anak pa ba ako sa aking tiyan , na magiging inyong mga asawa ? Kayo'y magsibalik , mga anak ko , magpatuloy kayo ng inyong lakad ; sapagka't ako'y totoong matanda na upang magkaroon pa ng asawa . Kung aking sabihin , Ako'y may pagasa , kung ako'y magkaasawa man ngayong gabi , at ako'y magkakaanak man ; Maghihintay kaya kayo hanggang sa sila'y lumaki ? magbabawa kaya kayo na magkaasawa ? huwag , mga anak ko : sapagka't daramdamin kong mainam dahil sa inyo , sapagka't ang kamay ng Panginoon ay nanaw laban sa akin . At inilakas nila ang kanilang tinig at nagsiiyak uli ; at hinagkan ni Orpha ang kaniyang biyanan ; nguni't si Ruth ay yumakap sa kaniya . At sinabi niya , Narito , ang iyong hipag ay bumalik na sa kaniyang bayan , at sa kaniyang dios ; bumalik kang sumunod sa iyong hipag . At sinabi ni Ruth , Huwag mong ipamanhik na kita'y iwan , at bumalik na humiwalay sa iyo ; sapagka't kung saan ka pumaroon , ay paroroon ako : at kung saan ka tumigil , ay titigil ako : ang iyong bayan ay magiging aking bayan , at ang iyong Dios ay aking Dios : Kung saan ka mamatay , ay mamamatay ako , at doon ako ililibing ; hatulan ako ng Panginoon at lalo na , maliban ang kamatayan ang maghiwalay sa iyo at sa akin . At nang makita ni Noemi na mapilit ng pagsama sa kaniya , ay tumigil ng pagsasalita sa kaniya . Sa gayo'y yumaon silang dalawa hanggang sa sila'y dumating sa Bethlehem . At nangyari , nang sila'y dumating sa Bethlehem , na ang buong bayan ay napataka sa kanila ; at sinabi ng mga babae , Ito ba'y si Noemi ? At sinabi niya sa kanila , Huwag na ninyo akong tawaging Noemi , tawagin ninyo akong Mara : sapagka't ginawan ako ng kapaitpaitan ng Makapangyarihan sa lahat . Ako'y umalis na puno , at ako'y iniuwi ng Panginoon na walang dala . Bakit ninyo ako tinatawag na Noemi , yamang ang Panginoon ay nagpatotoo laban sa akin , at dinalamhati ako ng Makapangyarihan sa lahat ? Sa gayo'y nagsibalik si Noemi at si Ruth na Moabita , na kaniyang manugang na kasama niya , na nagsibalik mula sa lupain ng Moab : at sila'y nagsidating sa Bethlehem sa pasimula ng pagaani ng sebada . At si Noemi ay may kamaganak ng kaniyang asawa , isang mayamang makapangyarihan , sa angkan ni Elimelech ; at ang pangalan niya'y Booz . At sinabi ni Ruth na Moabita kay Noemi , Paparoonin mo ako ngayon sa bukid , at mamulot ng mga uhay sa likuran niyaong aking kasumpungan ng biyaya sa paningin . At sinabi niya sa kaniya , Yumaon ka , anak ko . At siya'y yumaon at naparoon , at namulot sa bukid sa likuran ng mga mangaani : at nagkataong dumating sa bahagi ng lupa na nauukol kay Booz , na sa angkan ni Elimelech . At , narito , si Booz ay nanggaling sa Bethlehem , at nagsabi sa mga mangaani , Ang Panginoo'y sumainyo nawa . At sila'y sumagot sa kaniya , Pagpalain ka nawa ng Panginoon . Nang magkagayo'y sinabi ni Booz sa kaniyang lingkod na kaniyang katiwala sa mga mangaani , Sinong babae ito ? At ang lingkod na katiwala sa mga mangaani ay sumagot at nagsabi , Siya'y babaing Moabita na bumalik na kasama ni Noemi na mula sa lupain ng Moab : At kaniyang sinabi , Isinasamo ko sa iyong pamulutin mo ako , at papagtipunin sa likuran ng mga mangaani sa gitna ng mga bigkis . Sa gayo'y naparoon siya at nagpatuloy , sa makatuwid baga'y mula sa umaga hanggang ngayon , liban sa siya'y nagpahingang sangdali sa bahay . Nang magkagayo'y sinabi ni Booz kay Ruth , Di mo ba naririnig , anak ko ? Huwag kang mamulot sa ibang bukid , o lumagpas man dito , kundi manahan ka ritong malapit sa piling ng aking mga alilang babae . Itanaw mo ang iyong mga mata sa bukid na kanilang inaanihan , at sumunod ka sa kanila ; di ba ibinilin ko sa mga bataan na huwag ka nilang gagalawin ? At pagka ikaw ay nauuhaw , pumaroon ka sa mga banga , at uminom ka sa inigib ng mga bataan . Nang magkagayo'y nagpatirapa siya at yumukod sa lupa , at nagsabi sa kaniya , Bakit ako nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin na nilingap mo ako , dangang ako'y taga ibang lupa ? At si Booz ay sumagot at nagsabi sa kaniya , Ipinatalastas sa akin ang buong iyong ginawa sa iyong biyanan mula sa pagkamatay ng iyong asawa : at kung paanong iyong iniwan ang iyong ama at iyong ina , at ang lupang pinanganakan sa iyo , at ikaw ay naparito sa bayan na hindi mo nakilala nang una . Gantihin nawa ng Panginoon ang iyong gawa , at bigyan ka nawa ng lubos na ganting pala ng Panginoon , ng Dios ng Israel , sa ilalim ng mga pakpak niyaong iyong kakanlungan . Nang magkagayo'y kaniyang sinabi , Makasumpong nawa ako ng biyaya sa iyong paningin , panginoon ko ; sapagka't ako'y iyong inaliw , at sapagka't may kagandahang loob na pinagsalitaan mo ang iyong lingkod , bagaman ako'y hindi gaya ng isa sa iyong mga alila . At sa pagkain ay sinabi ni Booz sa kaniya , Parito ka , at kumain ka ng tinapay , at basain mo ang iyong subo sa suka . At siya'y umupo sa siping ng mga mangaani : at iniabot niya sa kaniya , ang sinangag na trigo , at siya'y kumain , at nabusog , at lumabis . At nang siya'y tumindig upang mamulot , ay iniutos ni Booz sa kaniyang mga bataan , na sinasabi , Pamulutin ninyo siya hanggang sa gitna ng mga bigkis , at huwag ninyo siyang hiyain . At ihugot din ninyo siya ng ilan sa mga bigkis , at iwan ninyo at pamulutin niya , at huwag ninyong hiyain siya . Sa gayo'y namulot siya sa bukid hanggang sa paglubog ng araw ; at kaniyang hinampas yaong kaniyang napamulot , at may isang epa ng sebada . At kaniyang dinala at pumasok sa bayan : at nakita ng kaniyang biyanan ang kaniyang napamulot : at kaniyang inilabas at ibinigay sa kaniya ang lumabis sa kaniya pagkatapos na siya'y nabusog . At sinabi ng kaniyang biyanan sa kaniya , Saan ka namulot ngayon ? at saan ka gumawa ? Pagpalain nawa yaong lumingap sa iyo , At itinuro niya sa kaniyang biyanan kung kanino siya gumawa , at sinabi , Ang pangalan ng lalake na aking ginawan ngayon ay Booz . At sinabi ni Noemi sa kaniyang manugang : Pagpalain nawa siya ng Panginoon , na hindi ikinait ang kaniyang kagandahang loob sa mga buhay at sa mga patay . At sinabi ni Noemi sa kaniya , Ang lalaking yaon ay isa sa mga kamaganak na malapit natin , isang pinakamalapit na kamaganak natin . At sinabi ni Ruth na Moabita , Oo , sinabi niya sa akin , Ikaw ay sumunod na malapit sa aking mga bataan hanggang sa kanilang matapos ang aking ani . At sinabi ni Noemi kay Ruth na kaniyang manugang , Mabuti , anak ko , na ikaw ay lumabas na kasama ng kaniyang mga alila , at huwag kang masumpungan sa ibang bukid . Sa gayo'y nakipisang maliksi na kasiping ng mga alila ni Booz , upang mamulot hanggang sa katapusan ng pagaani ng sebada at pagaani ng trigo ; at siya'y tumahang kasama ng kaniyang biyanan . At sinabi sa kaniya ni Noemi na kaniyang biyanan , Anak ko , hindi ba kita ihahanap ng kapahingahan , na ikabubuti mo ? At ngayo'y wala ba rito si Booz na ating kamaganak , na ang kaniyang mga alila ay siya mong kinasama ? Narito , kaniyang pahahanginan ang sebada ngayong gabi sa giikan . Maligo ka nga , at magpahid ka ng langis , at magbihis ka at bumaba ka sa giikan : nguni't huwag kang pakilala sa lalake , hanggang siya'y makakain at makainom . At mangyayari , paghiga niya , na iyong tatandaan ang dakong kaniyang hihigaan , at ikaw ay papasok , at iyong alisan ng takip ang kaniyang mga paa , at mahiga ka ; at sasabihin niya sa iyo kung ano ang iyong gagawin . At sinabi niya sa kaniya , Lahat ng iyong sinasabi sa akin ay aking gagawin . At siya'y bumaba sa giikan , at ginawa niya ang ayon sa buong iniutos sa kaniya ng kaniyang biyanan . At nang si Booz ay makakain at makainom , at ang kaniyang puso'y maligayahan , siya'y yumaong nahiga sa dulo ng bunton ng trigo ; at siya'y naparoong marahan , at inalisan ng takip ang kaniyang mga paa , at siya'y nahiga . At nangyari , sa hating gabi , na ang lalake ay natakot at pumihit : at , narito , isang babae ay nakahiga sa kaniyang paanan . At sinabi niya , Sino ka ? At siya'y sumagot , Ako'y si Ruth , na iyong lingkod : iladlad mo nga ang iyong kumot sa iyong lingkod ; sapagka't ikaw ay malapit na kamaganak . At kaniyang sinabi , Pagpalain ka nawa ng Panginoon , anak ko : ikaw ay nagpakita ng higit na kagandahang loob sa huli kay sa ng una , sa hindi mo pagsunod sa mga bagong tao maging sa dukha o sa mayaman . At ngayon , anak ko , huwag kang matakot ; gagawin ko sa iyo ang lahat na iyong sinasabi , sapagka't buong bayan ng aking bayan ay nakakaalam na ikaw ay isang babaing may bait . At tunay nga na ako'y kamaganak na malapit ; gayon man ay may kamaganak na lalong malapit kay sa akin . Maghintay ka ngayong gabi , at mangyayari sa kinaumagahan , na kung kaniyang tutuparin sa iyo ang bahagi ng pagkakamaganak , ay mabuti ; gawin niya ang bahagi ng pagkakamaganak : nguni't kundi niya gagawin ang bahagi ng pagkakamaganak sa iyo , ay gagawin ko nga ang bahagi ng pagkakamaganak sa iyo , kung paano ang Panginoon ay nabubuhay : mahiga ka nga hanggang kinaumagahan . At siya'y nahiga sa kaniyang paanan hanggang kinaumagahan : at siya'y bumangong maaga bago magkakilala ang isa't isa . Sapagka't kaniyang sinabi , Huwag maalaman na ang babae ay naparoon sa giikan . At kaniyang sinabi , Dalhin mo rito ang balabal na nasa ibabaw mo at hawakan ; at hinawakan niya ; at siya'y tumakal ng anim na takal na sebada , at isinunong sa kaniya ; at siya'y pumasok sa bayan . At nang siya'y pumaroon sa kaniyang biyanan , ay sinabi niya , Ano nga , anak ko ? At isinaysay niya sa kaniya ang lahat na ginawa sa kaniya ng lalake . At sinabi niya , Ang anim na takal na sebadang ito ay ibinigay niya sa akin ; sapagka't kaniyang sinabi , Huwag kang pumaroong walang dala sa iyong biyanan . Nang magkagayo'y sinabi niya , Maupo kang tahimik , anak ko , hanggang sa iyong maalaman kung paanong kararatnan ng bagay : sapagka't ang lalaking yaon ay hindi magpapahinga , hanggang sa kaniyang matapos ang bagay sa araw na ito . Si Booz nga'y sumampa sa pintuang-bayan , at naupo siya roon : at , narito , ang malapit na kamaganak na sinalita ni Booz ay nagdaan ; sa lalaking yao'y sinabi niya , Oy , kuwan ! lumiko ka , maupo ka rito . At siya'y lumiko , at naupo . At siya'y kumuha ng sangpung lalake sa mga matanda sa bayan , at sinabi , Maupo kayo rito . At sila'y naupo . At sinabi niya sa malapit na kamaganak , Ipinagbibili ni Noemi , na bumalik na galing sa lupain ng Moab , ang bahagi ng lupa , na naging sa ating kapatid na kay Elimelech : At aking inisip na ipahayag sa iyo , na sabihin , Bilhin mo sa harap nilang nakaupo rito , at sa harap ng mga matanda ng aking bayan . Kung iyong tutubusin ay tubusin mo ; nguni't kung hindi mo tutubusin ay saysayin mo nga , upang matalastas ko : sapagka't wala nang tutubos na iba pa liban sa iyo : at ako ang sumusunod sa iyo . At sinabi niya , Aking tutubusin . Nang magkagayo'y sinabi ni Booz , Anomang araw na iyong bilhin ang parang sa kamay ni Noemi , ay marapat na iyong bilhin din ang kay Ruth na Moabita , na asawa ng namatay , upang ibangon ang pangalan ng namatay sa kaniyang mana . At sinabi ng malapit na kamaganak , Hindi ko matutubos sa ganang akin , baka masira ang aking sariling mana : iyo na ang aking matuwid ng pagtubos ; sapagka't hindi ko matutubos . Ito nga ang kaugalian ng unang panahon sa Israel tungkol sa pagtubos at tungkol sa pagpapalit , upang patotohanan ang lahat ng mga bagay ; hinuhubad ng isa ang kaniyang pangyapak , at ibinibigay sa kaniyang kapuwa : at ito ang paraan ng pagpapatotoo sa Israel . Sa gayo'y sinabi ng malapit na kamaganak kay Booz , Bilhin mo sa ganang iyo . At hinubad niya ang kaniyang pangyapak . At sinabi ni Booz sa mga matanda at sa buong bayan , Kayo'y mga saksi sa araw na ito , na aking binili ang lahat ng kay Elimelech , at lahat na kay Chelion , at kay Mahalon , sa kamay ni Noemi . Bukod dito'y si Ruth na Moabita , na asawa ni Mahalon , ay aking binili na maging aking asawa , upang ibangon ang pangalan ng namatay sa kaniyang mana , upang ang pangalan ng namatay ay huwag mahiwalay sa gitna ng kaniyang mga kapatid , at sa pintuang-bayan ng kaniyang dako : kayo'y mga saksi sa araw na ito . At ang buong bayan na nasa pintuang-bayan , at ang mga matanda ay nagsabi , Kami ay mga saksi . Gawin ng Panginoon ang babae na pumapasok sa iyong bahay , na gaya ni Rachel at gaya ni Lea , na silang dalawa ang nagtatag ng sangbahayan ni Israel , at maging makapangyarihan ka sa Ephrata , at maging bantog sa Bethlehem : At ang iyong sangbahayan ay maging gaya ng sangbahayan ni Phares , na ipinanganak ni Thamar kay Juda , sa binhi na ibibigay ng Panginoon sa iyo sa batang babaing ito . Sa gayo'y kinuha ni Booz si Ruth , at siya'y naging kaniyang asawa ; at siya'y sumiping sa kaniya , at pinapaglihi ng Panginoon , at siya'y nanganak ng isang lalake . At sinabi ng mga babae kay Noemi , Pagpalain ka nawa ng Panginoon na hindi ka binayaan sa araw na ito , na mawalan ng isang malapit na kamaganak ; at maging bantog nawa ang kaniyang pangalan sa Israel . At siya'y magiging sa iyo ay isang tagapagsauli ng buhay , at tagapagkandili sa iyong katandaan : sapagka't ang inyong manugang na nagmamahal sa iyo , ay nagkaanak sa kaniya , at siya'y mahigit pa sa iyo kay sa pitong anak . At kinuha ni Noemi ang bata , at inihilig sa kaniyang kandungan , at siya'y naging yaya . At nilagyan ng pangalan ng mga babaing kaniyang kapitbahay , na sinasabi , May isang lalake na ipinanganak kay Noemi ; at tinawag nila ang pangalan niya na Obed ; siya ang ama ni Isai , na ama ni David . Ito nga ang mga lahi ni Phares : naging anak ni Phares si Hesron ; At naging anak ni Hesron si Ram , at naging anak ni Ram si Aminadab ; At naging anak ni Aminadab si Nahason , at naging anak ni Nahason si Salmon : At naging anak ni Salmon si Booz , at naging anak ni Booz si Obed ; At naging anak ni Obed si Isai , at naging anak ni Isai si David .</passage>
<license>Public Domain</license>
<source>http://paralleltext.info/data/ retrieved via Canonical Text Service http://cts.informatik.uni-leipzig.de/pbc/cts/ with CTS URN urn:cts:pbc:bible.parallel.tgl.1905:8</source>
</reply>
</GetPassage>
