<?xml version="1.0" encoding="UTF-8"?><GetPassage xmlns="http://relaxng.org/ns/structure/1.0" xmlns:a="http://relaxng.org/ns/compatibility/annotations/1.0" xmlns:tei="http://www.tei-c.org/ns/1.0">
<request>
<requestName>GetPassage</requestName>
<requestUrn>urn:cts:pbc:bible.parallel.tgl.1905:59</requestUrn>
</request>
<reply>
<urn>urn:cts:pbc:bible.parallel.tgl.1905:59</urn>
<passage>Si Santiago , na alipin ng Dios at ng Panginoon Jesucristo , ay bumabati sa labingdalawang angkan na nasa Pangangalat . Mga kapatid ko , ariin ninyong buong kagalakan , kung kayo'y mangahulog sa sarisaring tukso ; Yamang nalalaman na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay gumagawa ng pagtitiis . At inyong pabayaan na ang pagtitiis ay magkaroon ng sakdal na gawa , upang kayo'y maging sakdal at ganap , na walang anoman kakulangan . Nguni't kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo , ay humingi sa Dios , na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat ; at ito'y ibibigay sa kaniya . Nguni't humingi siyang may pananampalataya , na walang anomang pagaalinlangan : sapagka't yaong nagaalinlangan ay katulad ng isang alon ng dagat na itinutulak ng hangin at ipinapadpad sa magkabikabila . Sapagka't huwag isipin ng taong yaon na siya'y tatanggap ng anoman bagay sa Panginoon ; Ang taong may dalawang akala , ay walang tiyaga sa lahat ng kaniyang mga paglakad . Datapuwa't ang kapatid na mababang kapalaran ay magmapuri sa kaniyang mataas na kalagayan : At ang mayaman , dahil sa siya'y pinababa : sapagka't siya'y lilipas na gaya ng bulaklak ng damo . Sapagka't sumisikat ang araw na may hanging nakakasunog , at naluluoy ang damo ; at nangalalagas ang bulaklak nito , at nawawala ang karikitan ng kaniyang anyo : gayon din naman ang taong mayaman na malalanta sa lahat ng kaniyang mga paglakad . Mapalad ang taong nagtitiis ng tukso ; sapagka't pagkasubok sa kaniya , siya'y tatanggap ng putong ng buhay , na ipinangako ng Panginoon sa mga nagsisiibig sa kaniya . Huwag sabihin ng sinoman pagka siya'y tinutukso , Ako'y tinutukso ng Dios ; sapagka't ang Dios ay hindi matutukso sa masamang bagay , at hindi rin naman siya nanunukso sa kanino man : Kundi ang bawa't tao ay natutukso , pagka nahihila ng sariling masamang pita at nahihikayat . Kung magkagayo'y ang kahalayan , kung maipaglihi ay nanganganak ng kasalanan : at ang kasalanan , pagka malaki na ay namumunga ng kamatayan . Huwag kayong padaya , mga minamahal kong kapatid . Ang bawa't mabuting kaloob at ang bawa't sakdal na kaloob ay pawang buhat sa itaas , na bumababa mula sa Ama ng mga ilaw , na walang pagbabago , ni kahit anino man ng pagiiba . Sa kaniyang sariling kalooban ay kaniya tayong ipinanganak sa pamamagitan ng salita ng katotohanan , upang tayo'y maging isang uri ng mga pangunahing bunga ng kaniyang mga nilalang . Nalalaman ninyo ito , minamahal kong mga kapatid . Nguni't magmaliksi ang bawa't tao sa pakikinig , magmakupad sa pananalita , magmakupad sa pagkagalit ; Sapagka't ang galit ng tao ay hindi gumagawa ng katuwiran ng Dios . Kaya't ihiwalay ninyo ang lahat na karumihan at ang pagapaw ng kasamaan , at tanggapin ninyo na may kaamuan ang salitang itinanim , na makapagliligtas ng inyong mga kaluluwa . Datapuwa't maging tagatupad kayo ng salita , at huwag tagapakinig lamang , na inyong dinadaya ang inyong sarili . Sapagka't kung ang sinoman ay tagapakinig ng salita at hindi tagatupad , ay katulad siya ng isang tao na tinitingnan ang kaniyang talagang mukha sa salamin : Sapagka't minamasdan niya ang kaniyang sarili , at siya'y umaalis at pagdaka'y kaniyang nalilimutan kung ano siya . Nguni't ang nagsisiyasat ng sakdal na kautusan , ang kautusan ng kalayaan , at nananatiling gayon , na hindi tagapakinig na lumilimot , kundi tagatupad na gumagawa , ay pagpapalain ang taong ito sa kaniyang ginagawa . Kung ang sinoman ay nagiisip na siya'y relihioso samantalang hindi pinipigil ang kaniyang dila , kundi dinadaya ang kaniyang puso , ang relihion ng taong ito ay walang kabuluhan . Ang dalisay na relihion at walang dungis sa harapan ng ating Dios at Ama ay ito , dalawin ang mga ulila at mga babaing bao sa kanilang kapighatian , at pagingatang walang dungis ang kaniyang sarili sa sanglibutan . Mga kapatid ko , yayamang mayroon kayong pananampalataya ng ating Panginoong Jesucristo , na Panginoon ng kaluwalhatian ay huwag magtatangi sa mga tao . Sapagka't kung may pumapasok sa inyong sinagoga ang isang tao na may singsing na ginto , at may magandang kasuotan , at may pumapasok namang isang dukha na may damit na hamak ; At inyong itangi ang may suot na damit na maganda , at inyong sabihin , Maupo ka rito sa dakong mabuti ; at sa dukha ay inyong sabihin , Tumayo ka riyan , o maupo ka sa ibaba ng aking tungtungan ; Hindi baga kayo'y nagtatangi sa inyong sarili , at nagiging mga hukom na may masasamang pagiisip ? Dinggin ninyo , mga minamahal kong kapatid ; hindi baga pinili ng Dios ang mga dukha sa sanglibutang ito upang maging mayayaman sa pananampalataya , at mga tagapagmana ng kahariang ipinangako niya sa mga nagsisiibig sa kaniya ? Nguni't inyong niwalang-puri ang dukha . Hindi baga kayo'y pinahihirapan ng mayayaman , at sila rin ang kumakaladkad sa inyo sa harapan ng mga hukuman ? Hindi baga nilalapastangan nila yaong marangal na pangalan na sa inyo'y itinatawag ? Gayon man kung inyong ganapin ang kautusang hari , ayon sa kasulatan , Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng sa iyong sarili , ay nagsisigawa kayo ng mabuti : Datapuwa't kung kayo'y nagtatangi ng mga tao , ay nangagkakasala kayo , at kayo'y hinahatulan ng kautusan na gaya ng mga suwail . Sapagka't ang sinomang gumaganap ng buong kautusan , at gayon ma'y natitisod sa isa , ay nagiging makasalanan sa lahat . Sapagka't ang nagsabi , Huwag kang mangalunya , ay nagsabi , naman , Huwag kang pumatay . Ngayon , kung ikaw ay hindi nangangalunya , nguni't pumapatay ka , ay nagiging suwail ka sa kautusan . Gayon ang inyong salitain , at gayon ang inyong gawin , na gaya ng mga taong huhukuman sa pamamagitan ng kautusan ng kalayaan . Sapagka't ang paghuhukom ay walang awa doon sa hindi nagpakita ng awa : ang awa ay lumuluwalhati laban sa paghuhukom . Anong pakikinabangin , mga kapatid ko , kung sinasabi ng sinoman na siya'y may pananampalataya , nguni't walang mga gawa ? makapagliligtas baga sa kaniya ang pananampalatayang iyan ? Kung ang isang kapatid na lalake o babae ay hubad at walang kakanin araw-araw , At ang isa sa inyo ay magsabi sa kanila , Magsiyaon kayong payapa , kayo'y mangagpainit at mangagpakabusog ; at gayon ma'y hindi ninyo ibinibigay sa kanila ang mga bagay na kinakailangan ng katawan ; anong mapapakinabang dito ? Gayon din naman ang pananampalataya na walang mga gawa , ay patay sa kaniyang sarili . Oo , sasabihin ng isang tao , Ikaw ay mayroong pananampalataya , at ako'y mayroong mga gawa : ipakita mo sa akin ang iyong pananampalatayang hiwalay sa mga gawa , at ako sa pamamagitan ng aking mga gawa ay ipakita sa iyo ang aking pananampalataya . Ikaw ay sumasampalataya na ang Dios ay iisa ; mabuti ang iyong ginagawa : ang mga demonio man ay nagsisisampalataya , at nagsisipanginig . Datapuwa't ibig mo bagang maalaman , Oh taong walang kabuluhan , na ang pananampalataya na walang mga gawa ay baog ? Hindi baga ang ating amang si Abraham ay inaring ganap sa pamamagitan ng mga gawa , dahil sa kaniyang inihain si Isaac na kaniyang anak sa ibabaw ng dambana ? Nakikita mo na ang pananampalataya ay gumagawang kalakip ng kaniyang mga gawa , at sa pamamagitan ng mga gawa ay naging sakdal ang pananampalataya ; At natupad ang kasulatan na nagsasabi , At si Abraham ay sumampalataya sa Dios , at yao'y ibinilang na katuwiran sa kaniya ; at siya'y tinawag na kaibigan ng Dios . Nakikita ninyo na sa pamamagitan ng mga gawa'y inaaring ganap ang tao , at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya lamang . At gayon din naman hindi rin baga si Rahab na patutot ay inaring ganap sa pamamagitan ng mga gawa , dahil sa tinanggap niya ang mga sugo , at kaniyang pinapagdaan sila sa ibang daan ? Sapagka't kung paanong ang katawan na walang espiritu ay patay , ay gayon din ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay . Huwag maging guro ang marami sa inyo , mga kapatid ko , yamang nalalamang tayo'y tatanggap ng lalong mabigat na hatol . Sapagka't sa maraming mga bagay tayong lahat ay nangatitisod . Kung ang sinoman ay hindi natitisod sa salita , ay isang taong sakdal ang gayon , may kaya rin namang makapigil ng buong katawan . Kung atin ngang inilalagay ang mga preno ng kabayo sa kanilang mga bibig , upang tayo'y talimahin , ay ibinabaling din naman natin ang kanilang buong katawan . Narito , ang mga daong naman , bagama't lubhang malalaki at itinutulak ng malalakas na hangin , gayon ma'y sa pamamagitan ng isang lubhang maliit na ugit ay napapabaling kung saan ibig ng tagaugit . Gayon din naman ang dila ay isang maliit na sangkap , at nagpapalalo ng malalaking bagay . Narito , kung gaano kalaking gubat ang pinagaalab ng lubhang maliit na apoy ! At ang dila'y isang apoy : ang sanglibutan ng kasamaan sa ating mga sangkap ay dili iba't ang dila , na nakakahawa sa buong katawan , at pinagningas ang gulong ng katalagahan , at ang dila'y pinagniningas ng impierno . Sapagka't ang bawa't uri ng mga hayop at mga ibon , ng mga nagsisiusad at mga bagay sa dagat , ay pinaaamo , at napaaamo ng tao : Datapuwa't ang dila ay hindi napaaamo ng sinomang tao ; isang masamang hindi nagpapahinga , na puno ng lasong nakamamatay . Siyang ating ipinagpupuri sa Panginoon at Ama ; at siyang ating ipinanglalait sa mga taong ginawang ayon sa larawan ng Dios : Sa bibig din lumalabas ang pagpuri't paglait . Mga kapatid ko , ang mga bagay na ito ay hindi nararapat magkagayon . Ang bukal baga'y sa isa lamang siwang ay binubukalan ng matamis at mapait ? Maaari baga , mga kapatid ko , na ang puno ng igos ay magbunga ng aseitunas , o ng mga igos ang puno ng ubas ? hindi rin naman babalungan ng matamis ang maalat na tubig . Sino ang marunong at matalino sa inyo ? ipakita niya sa pamamagitan ng mabuting kabuhayan ang kaniyang mga gawa sa kaamuan ng karunungan . Nguni't kung kayo'y mayroong mapapait na paninibugho at pagkakampikampi sa inyong puso , ay huwag ninyong ipagmapuri at huwag magsinungaling laban sa katotohanan . Hindi ito ang karunungang bumababa mula sa itaas , kundi ang nauukol sa lupa , sa laman , sa diablo . Sapagka't kung saan mayroong paninibugho at pagkakampikampi , ay doon mayroong kaguluhan at lahat ng gawang masama . Nguni't ang karunungang buhat sa itaas , ay una-una'y malinis saka mapayapa , banayad , madaling panaingan , puspos ng kaawaan at ng mabubuting bunga , walang inaayunan , walang pagpapaimbabaw . At ang bunga ng katuwiran ay natatanim sa kapayapaan sa mga nagsisigawa ng kapayapaan . Saan nagbubuhat ang mga pagbabaka at saan nagbubuhat ang mga pagaaway sa inyo ? hindi baga nagbubuhat dito , sa inyong mga kalayawan na bumabaka sa inyong mga sangkap ? Kayo'y nangagiimbot , at kayo'y wala : kayo'y nagsisipatay , at kayo'y nangaiinggit , at hindi maaaring kamtan : kayo'y nangakikipagaway at nangakikipagbaka ; kayo'y wala , sapagka't hindi kayo nagsisihingi . Kayo'y nagsisihingi , at hindi kayo nagsisitanggap , sapagka't nagsisihingi kayo ng masama , upang gugulin sa inyong mga kalayawan . Kayong mga mangangalunya , hindi baga ninyo nalalaman na ang pakikipagkaibigan sa sanglibutan ay pakikipagaway sa Dios ? Sinoman ngang magibig na maging kaibigan ng sanglibutan ay nagiging kaaway ng Dios . O iniisip baga ninyo na ang kasulatan ay nagsasalita ng walang kabuluhan ? Ang Espiritu baga na pinatira sa atin ay nagnanais hanggang sa kapanaghilian ? Nguni't siya'y nagbibigay ng lalong biyaya . Kaya't sinasabi ng kasulatan , Ang Dios ay sumasalansang sa mga palalo , datapuwa't nagbibigay ng biyaya sa mga mapagpakumbaba . Pasakop nga kayo sa Dios ; datapuwa't magsisalangsang kayo sa diablo , at tatakas siya sa inyo . Magsilapit kayo sa Dios , at siya'y lalapit sa inyo . Mangaglinis kayo ng inyong mga kamay , kayong mga makasalanan ; at dalisayin ninyo ang inyong mga puso , kayong mga may dalawang akala . Kayo'y mangagpighati , at magsihibik , at magsitangis : inyong palitan ang inyong pagtawa ng paghibik , at ang inyong kagalakan ng kalumbayan . Mangagpakababa kayo sa paningin ng Panginoon , at kaniyang itataas kayo . Huwag kayong mangagsalita ng laban sa isa't isa , mga kapatid . Ang nagsasalita laban sa kapatid , o humahatol sa kaniyang kapatid , ay nagsasalita laban sa kautusan , at humahatol sa kautusan : datapuwa't kung ikaw ay humahatol sa kautusan , hindi ka na tagatupad ng kautusan , kundi hukom . Iisa ang tagapagbigay ng kautusan at hukom , sa makatuwid baga'y ang makapagliligtas at makapagwawasak : datapuwa't sino ka na humahatol sa iyong kapuwa ? Magsiparito ngayon , kayong nagsisipagsabi , Ngayon o bukas ay magsisiparoon kami sa gayong bayan , at titira kami doong isang taon , at mangangalakal , at magtutubo : Kayo ngang hindi nakaaalam ng mangyayari bukas . Ano ang inyong buhay ? Kayo nga'y isang singaw na sa sangdaling panahon ay lumilitaw , at pagdaka'y napapawi . Sapagka't ang dapat ninyong sabihin ay , Kung loloobin ng Panginoon ay mangabubuhay kami , at gagawin namin ito o yaon . Datapuwa't ngayon ay nagmamapuri kayo sa inyong mga pagpapalalo : ang lahat ng ganitong pagmamapuri ay masama . Sa nakakaalam nga ng paggawa ng mabuti , at hindi ginagawa , ito'y kasalanan sa kaniya . Magsiparito ngayon , kayong mayayaman , kayo'y magsitangis at magsihagulhol dahil sa mga karalitaan ninyong sa inyo'y darating . Ang inyong mga kayamanan ay mga bulok , at ang inyong mga damit ay nginangatngat ng tanga . Ang inyong ginto at ang inyong pilak ay kinakalawang na ; at ang mga kalawang na ito ay siyang magiging patotoo laban sa inyo , at gaya ng apoy na lalamunin ang inyong laman . Kayo'y nagtipon ng inyong mga kayamanan sa mga huling araw . Narito , ang kaupahan ng mga manggagawa na nagsiani sa inyong mga bukid , na iniring ninyo sa pamamagitan ng daya , ay humihibik : at ang mga hibik ng mga nagsiani ay nagsipasok sa mga pakinig ng Panginoon ng mga hukbo . Kayo'y nangabuhay ng tamasa sa ibabaw ng lupa , at nangagalak ; inyong pinataba ang inyong mga puso sa araw ng patayan . Inyong hinatulan , inyong pinatay ang matuwid ; hindi niya kayo nilalabanan . Mangagtiis nga kayo , mga kapatid , hanggang sa pagparito ng Panginoon . Narito , inaasahan ng magsasaka ang mahalagang bunga ng lupa , na may pagtitiis , hanggang sa tanggapin ang ulang maaga at huli . Mangagtiis din naman kayo ; pagtibayin ninyo ang inyong mga puso , sapagka't ang pagparito ng Panginoon ay malapit na . Huwag kayong mangagupasalaan , mga kapatid , laban sa isa't isa , upang kayo'y huwag mahatulan ; narito , ang hukom ay nakatayo sa harapan ng mga pinto . Kunan ninyong halimbawa ng pagbabata at ng pagtitiis , mga kapatid , ang mga propeta na nagsipagsalita sa pangalan ng Panginoon . Narito , tinatawag nating mapapalad ang nangagtiis : inyong nabalitaan ang pagtitiis ni Job , at inyong nakita ang pinapangyari ng Panginoon , kung gaano ang lubos na pagkahabag at ang pagkamaawain ng Panginoon . Nguni't higit sa lahat ng mga bagay , mga kapatid ko , ay huwag ninyong ipanumpa , kahit ang langit , ni ang lupa , ni ang anomang ibang sumpa : kundi ang inyong oo , ay maging oo ; at ang inyong hindi , ay maging hindi ; upang kayo'y huwag mangahulog sa ilalim ng hatol . Nagbabata baga ang sinoman sa inyo ? siya'y manalangin . Natutuwa ang sinoman ? awitin niya ang mga pagpupuri . May sakit baga ang sinoman sa inyo ? ipatawag niya ang mga matanda sa iglesia ; at ipanalangin nila siya , na pahiran nila ng langis sa pangalan ng Panginoon : At ang panalangin ng pananampalataya ay magliligtas sa may sakit , at ibabangon siya ng Panginoon ; at kung nagkasala siya , ay ipatatawad sa kaniya . Mangagpahayagan nga kayo sa isa't isa ng inyong mga kasalanan , at ipanalangin ng isa't isa ang iba , upang kayo'y magsigaling . Malaki ang nagagawa ng maningas na panalangin ng taong matuwid . Si Elias ay isang taong may pagkataong gaya rin ng atin , at siya'y nanalangin ng buong ningas upang huwag umulan ; at hindi umulan sa lupa sa loob ng tatlong taon at anim na buwan . At muli siyang nanalangin ; at ang langit ay nagbigay ng ulan , at ang lupa ay namunga ng kaniyang bunga . Mga kapatid ko , kung ang sinoman sa inyo ay nalilihis sa katotohanan , at siya'y papagbaliking loob ng sinoman ; Ay alamin nito na ang nagpapabalik-loob ng isang makasalanan , mula sa kamalian ng lakad niya ay magliligtas ng isang kaluluwa sa kamatayan , at magtatakip ng karamihang kasalanan .</passage>
<license>Public Domain</license>
<source>http://paralleltext.info/data/ retrieved via Canonical Text Service http://cts.informatik.uni-leipzig.de/pbc/cts/ with CTS URN urn:cts:pbc:bible.parallel.tgl.1905:59</source>
</reply>
</GetPassage>
